Friday, July 30, 2010

Ang Pag-asa sa Mukha ng Taong Grasa

Habang ako'y nakasakay sa jeep,
Napatingin ako sa labas at napa-isip.
Titigil pa kaya ang pag-agos ng mga lihim na luha,
Sa mukha ng isang taong grasa?

Sa malupit na mundo at buhay,
May pagkakataon pa ba siyang makita ito ng may kulay?
Kung wala man lang lilingon sa kanyang kinatatayuan,
Hindi kaya niya maisip na ang buhay niya ay walang kabuluhan?

Maari'y meron pa siyang nakikitang liwanag,
Kaya siya pilit na nagpapakatatag.
At doon ko na lamang nakita,
Ang pag-asa sa mukha ng taong grasa.

Monday, July 26, 2010

Bahala Na Si Batman

Ayan na, malapit na ang exams. Hindi ka pa nagaaral. Ano ang sasabihin mo?

"Badtrip, di ako nag-aral. Bahala na nga si Batman!!!"

Bakit nga ba natin ipinapaubaya kay Batman ang lahat sa oras ng kagipitan?

Kung titignan mo, si Batman ay isang ordinaryong nilalang lamang, walang kapangyarihan at hindi immortal. Ano naman ang magagawa niya kung sakaling marinig niya ang tawag mo?

Sa tingin ko, simple lang ang sagot. Alam natin na walang ibang makakatulong sa atin. Walang kakaibang pwersa ang kayang magpabago sa sitwasong ating hinaharap. Tanging tayo lamang ang kayang gumawa ng paraan kung paano papatakbuhin ang ating buhay.